Ang hirap maging tambay. Kung noon, habang pilit kong binibilang ang bawat minuto ko sa loob ng apat na sulok ng paaralan at iniisip kung kaya ko pa ba o hindi na, iniisip kung kailan ba matatapos ang lahat ng iyon. Natutulala na lang ako ngayon…ngayong tambay na ako.
Parang ang sarap ulit bumalik sa pag-aaral. Gusto kong balikan ‘yung mga panahon na ang iniisip ko lang e kung matatapos ko ba ‘yung mga assignment ko, ‘yung buwakanangenang thesis, duty sa hospital, case presentations, mga exams, quizzes, at kung ano-ano pa. Siguro, itong mga bagay na ito ang tumulong para bumaling ang isip ko sa mga bagay na naiisip ko ngayon…ngayong tambay na ako.
Sa totoo lang, napag-sabay ko naman noon ang pag-aaral at pagtatrabaho. Kahit paano e nakakatulong ako. Nabili ko ang mga librong dapat bilhin, nagkaroon ako ng pera na ginamit ko pambaon, wala namang problema sa tuition ko dahil nga sa kaban ng bayan nanggagaling ito (salamat). Kung tutuusin, mas mahirap nga ang buhay ko noon. Kesa ngayon…ngayong tambay na ako.
Desperado. Naka-ilang pasa na ako ng resume sa iba’t - ibang ospital. Baka kasi isipin nila na hindi man lang ako sumusubok. Pero, wala talaga. Kulang na lang siguro e lumuhod ako at magmakaawa sa mga tao sa HR department para tanggapin ako kahit volunteer (lang). “Lang?” Volunteer “lang?” Anong “lang” sa pagiging volunteer? Lalo na ngayon…ngayong tambay na ako.
Ngayong mas mahaba na ang panahon na inilalagi ko dito sa loob ng bahay kesa sa mga oras sa labas nito, unti-unti ko ring nakikita ang mga bagay na pilit kong binulag sa sarili kong pananaw noon. Mga problema. Nagdadagsaan silang parang naghahanap ng giyera. Hindi na maiiwasan, walang silbi kung patuloy lang akong lulubog sa nakaraan. Lalo pa ngayon…ngayong tambay na ako.
Parang nakakaramdam ako ng pagbabago sa sarili ko. Pagbabagong hinihingi ng isang taong desperado. Desperadong makatulong sa giyerang ginawa ng mga problema. May mga bagay akong nagagawa na hindi ko akalaing magagawa ko.
“Matalas ang patalim, ‘wag masyadong kumapit, dre.”
“E anong gagamitin ko? Paano ko lalaban?”
“Gamitin mo ang utak mo, dre. Hindi naman ‘yan nilagay diyan sa kukote mo para magsilbing palamuti lamang. Mag-isip ka pa ng ibang paraan.”
Parang hindi na matatapos ang sentimyentong ito. Pero, alam ko naman…Hindi, sigurado ako, na katulad ng bawat minutong binibilang ko bilang isang tambay, katulad ng bawat araw na lumilipas, natatapos din ito.